CENTRAL MINDANAO – Sa bisa ng Resolution No. 2021-343, pormal ng idineklara ang state of calamity sa bayan ng Kabacan, Cotabato.
Ito’y matapos na makaranas ng pag-uulan ang bayan simula noong unang linggo hanggang ikatlong linggo ng Nobyembre.
Batay rin ito sa pagsasagawa ng assessment ni MDRRMO David Don Saure sa mga nabahang barangay ng bayan.
Aabot sa 2,071 pamilya ang apektado habang nasa 485.55 ektarya ng agrikultura ang nasalanta mula sa anim na barangay ng bayan.
Kinabibilangan ito ng Brgy. Cuyapon, Lower Paatan, Magatos, Kilagasan, Bannawag, at Sitio Punol at Sitio Lumayong ng Brgy. Kayaga.
Hinahanda naman ngayon ng lokal na pamahalaan ng Kabacan sa pangunguna ni Kabacan Mayor Herlo Guzman, Jr. ang mga ayuda para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha.
Nakikipag-ugnayan na rin ang Municipal Agriculture Office sa Department of Agriculture para sa maaaring tulong sa mga magsasakang naapektuhan.