-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Matapos na berepikahin at suriin ng Municipal Agriculture office ang mga nabahaan sa nakalipas na nagdaang araw, lumabas na aabot sa mahigit 420 ektarya ng sakahan ang napinsala ng pagbaha sa bayan ng Kabacan, Cotabato.

Dahil dito, nagbaba ng isang resolusyon ang sangguniang bayan sa bisa ng No. 2022-085 na nagdedeklara sa bayan sa ilalim ng state of calamity.

Ayon kay Kabacan Municipal Mayor Evangeline Pascua-Guzman, sa pagdedeklara nito ay mas mapapabilis ang pagsasaayos ng mga tulong para sa 2,106 na pamilyang apektado ng baha mula sa Brgy. Kayaga, Cuyapon, Magatos, Lower Paatan, at Kilagasan.

Sa ngayon, isinasaayos na ng LGU ang mga ayuda para sa mga nabahaang pamilya habang nakikipag-ugnayan ang tanggapan ng agrikultura sa Department of Agriculture (DA-12) at ibang sangay ng ahensya para sa tulong.