KALIBO, Aklan— Pinaniniwalaan ng Kabataan party-list na nais lamang baguhin ni Sen. Ronald Dela Rosa ang mga patakaran sa loob ng mga unibersidad upang makapasok ang mga pulis at military.
Ito ay kasunod sa isinagawang pagdinig ng senado kaugnay sa umano’y recruitment ng New People’s Army (NPA) sa mga estudyante sa kolehiyo.
Ayon kay Rep. Sarah Elago sa isinagawang press briefing sa pagbisita nito sa bayan ng Kalibo, Aklan ipinapalabas umano ni Dela Rosa na mistulang kriminal at aktibista ang mga kabataan na nagsasabi hinggil sa iba’t ibang isyu sa gobyerno at ang layunin ng pagdinig ay upang ma-harass ang mga ito.
Kasinungalingan aniya at maituring na harassment ang kidnapping na inihaing kaso ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) laban sa ilang kasapi ng Anakbayan ukol sa mga nawawalang estudyante.
Sa kabila nito, kumpyansa umano siya na mabasura ang kaso na ang layunin ay manahimik ang mga organisasyon na naninindigan laban sa mga patayan sa ilalim ng war on drugs at iba pang polisiya ng administrasyon.
Hinikayat din ni Elago ang senador na imbestigahan naman ang mga inosenteng kabataan na nadamay sa police operations na may kaugnayan sa drug war gaya sa inabot ni Kian Delos Santos na inaalala ngayong araw ang kanyang 2nd death anniversary.