-- Advertisements --

Umalma si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel sa ginawang pagsugod ni National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema sa isang forum na ginanap sa Quezon City.

Tinawag ni Cong. Manuel na bastos dahil sa agaw-eksena nitong pagsugod.

Sinabi ng mambabatas na sinadya umanong mag-gatecrash ni Cardema sa nasabing forum at walang pakialam na umupo sa mesa upang maka-face to face ito at harapan itong binanatan sa akusasyon nito na kurakot siya at winalanghiya niya ang pondo ng NCY.

Hinamon ni Cardema ang mambabatas na patunayang binutas niya ang bulsa ng komisyon dahil sa palpak na paghawak sa pondo nito.

Iginiit ni Cardema na walang basehan ang akusasyon ni Manuel dahil kahit ang Commission on Audit (COA) ay walang nakitang anomalya sa operasyon at gastusin ng NYC.

Sa budget debate ng Kamara, inihayag ni Manuel na dapat mag resign na si Cardema dahil sa talamak na korupsiyon.

Samantala, sinabi ni Manuel na sa halip umanong sagutin ang nadiskubreng anomalya ay pilit na inililihis ni Cardema ang usapin at patuloy ang pagbanat sa Kabataan party-list.

Kinuwestiyon ni Manuel ang patuloy na hindi umano pagsagot ng NYC sa mga anomalyang naungkat ng Commission on Audit kaugnay sa paggamit ng pondo ng ahensya na muling naungkat sa pagsalang sa 2023 budget.

Partikular umano ang paggamit ng Sangguniang Kabataan (SK) training fund na inilaan para sa red-tagging at counterinsurgency.

Sa kasalukuyan, abala ang Kabataan Partylist sa pakikipagtulungan sa mga Sangguniang Kabataan upang magtulak ng mahahalagang reporma gaya ng RA11768 o ang SK Empowerment Law na pinanukala ni ni dating Rep. Sarah Elago nuong 18th Congress.