BAGUIO CITY – Kinilala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang sakripisyo ng mga empleyado ng DPWH-Cordillera na kabilang sa mga biktima ng mudslide sa Banaue, Ifugao.
Ayon kay Juliet Aban, taga-pagsalita ng DPWH-Cordillera, ginawaran ng Lingkod Bayan Award na pirmado ni DPWH Sec. Mark Villar at tulong pinansyal ang apat na empleyado ng Ifugao Second DEO Maintenance Division.
Sinabi niyang ginawaran din ang contractor at operator ng heavy equipment ng Lingkod Bayan Award at tulong pinansyal mula naman sa Regional Director ng DPWH-Cordillera Administrative Region (CAR).
Inihayag niyang personal na iginawad ni DPWH-CAR Director Khadaffy Tanggol ang karangalan at ang tulong pinansyal sa pamilya ng mga biktima.
Iginiit ni Tanggol na hindi mapapantayan ng anumang halaga ang kabayanihang ipinakita ng mga biktima sa pagbibigay nila ng serbisyo sa mga mamamayan.
Maaalalang makikibahagi sana ang mga biktima sa clearing operation sa kasagsagan ng bagyong Ulysses ngunit dahil sa malakas na ulan ay sumilong ang mga ito sa isang bahay.
Gayunpaman, gumuho ang lupa sa kinaroroonan ng mga biktima na nagresulta sa malagim na trahedya.