-- Advertisements --

Naiwasan ang matinding epekto ng nagdaang Super Typhoon Pepito na tumama sa bansa noong weekend dahil sa kabundukan ng Sierra Madre ayon sa state weather bureau.

Ayon sa ahensiya, napahupa ng Sierra Madre ang impact ng bagyong Pepito sa kabila ng mabibigat na pag-ulang naranasan sa Catanduanes at ilang isla sa Quezon province.

Ipinaliwanag pa ni PAGASA officer-in-charge Juanito Galang na isa pa sa factor o dahilan ng paghina ng bagyo ay ang unti-unting pagbaba ng moisture na prino-produce ng bagyo matapos tumama sa lupa kumpara noong nasa karagatan pa ito.

Sa kasagsagan nga ng pananalasa ng bagyong Pepito, dumaan ito sa upperlands ng Sierra Madre na nasa Northern Sierra Madre Natural Park (NSMNP), na itinuturing na pinakamalaking protected area sa Pilipinas.

Ang Sierra Madre ay ang longest mountain range sa ating bansa na sumasaklaw sa mahigit 540 kilometers mula Cagayan province pababa sa Quezon Province sa silangang parte ng Luzon Island.

Samantala, nauna naman ng ipinanawagan ni dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos Jr. na kailangang protektahan ang Sierra Madre na aniya’y pangontra sa bagyo at dapat na isama ang preserbasyon nito sa disaster mitigation plan ng gobyerno.