-- Advertisements --

Inamin ni Hidilyn Diaz na hanggang sa ngayon ay hindi niya alam at hindi rin niya binibilang kung magkano na nga ang matatanggap niya na insentibo matapos na masungkit niya ang unang gold medal ng Pilipinas sa Olympics.

Aniya, sa halip na magkwenta sa pera ay mas gugustuhin pa raw niyang kausapin ang kanyang mga kaibigan.

Ayon kay Hidilyn nagpapasalamat pa rin siya sa mga pangako o pledges mula sa iba’t ibang sektor at personalidad sa bansa.

Muli rin niyang binigyang diin na ang pagsabak niya sa Olimpiyada ay hindi ang motibasyon sa matatanggap na pera kundi ang pagmamahal sa bayan at ang kagustuhan na maglaro sa nais niyang sports.

Una rito, patuloy ang pagbuhos nang insentibo para kay Diaz at maging ang Philippine Sports Commission ay nagpahabol din ng P5 million na cash reward para kay Diaz.