LEGAZPI CITY – Pumalo na sa mahigit P300 million ang kabuuang halaga ng pinsala sa iba’t-ibang sektor matapos ang nangyaring malakas na lindol sa Masbate.
Kabuuang P309,070, 250 ang napinsala batay sa validation ng mga nakakasakop na ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) Bicol.
Base sa report ng Office of the Civil Defense Bicol, pinakamalaking pinsala sa sektor ng edukasyon na pumalo sa P279,055,250 matapos na masira ang mga paaralan, learning materials at iba pang gamit.
Nasa P29,960,000 rin ang napinsala sa mga kalsada, tulay at iba pang tanggapan ng lokal na pahamalaan habang nakapagtala rin ng pinsala ang barangay health stations sa Cataingan na nasa P55,000.
Patuloy rin ang isinasagawang validation sa iba pang istrukturang nasira.
Samantala, umakyat na sa 1,124 na pamilya o nasa 4,460 na indibidwal ang naaapektuhan ng pagtama ng lindol.
Batay sa datos ng OCD Bicol sa tulong PDRRMO Masbate at Department of Social Welfare and Development (DSWD) nasa 48 barangay naman ang nagpaabot na may napinsalang istruktura sa lugar.
Sa nasabing bilang, nasa 259 na pamilya ang nanatili sa evacuation center o nasa 1,083 na indibidwal.
Mula ang naturang datos sa mga bayan ng Cataingan na epicenter ng lindol, Cawayan, Esperanza, Palanas at Pio V. Corpuz.