Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na nananatiling mapayapa at kontrolado ang kabuuang sitwasyon sa bansa matapos ang pag-aresto at pagpapadala kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte patungong The Hague, Netherlands.
Matatandaan na dinala si Duterte sa Netherlands gamit ang isang chartered jet bandang alas-11:03 kagabi para harapin ang mga kasong isinampa sa kaniya ng ICC kaugnay sa kampanya niya noon kontra ilegal na droga. Kasama ng dating Pangulo ngayon si dating Executive Secretary Atty. Salvador Medialdea.
Naka-heightened alert na rin ang status ngayon ng ng PNP sa buong bansa simula alas singko ng hapon kahapon bilang bahagi ng kanilang standard security measures.
Kasunod nito, nagpakalat na rin ngayon ang PNP ng kanilang mga tauhan sa mga pangunahing lugar lalo pa’t kaliwat kanan ngayon ang mga isinasagawang rally ng mga taga suporta ni Duterte. Ayon sa PNP, nananatili silang handang magbigay ng tulong at tumugon sa anumang mga pangyayari.
Tiniyak ni PNP Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa publiko na patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon at handang tumugon sa anumang kaganapan.