-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Papunta na sa Zambales ang pamilya ng isang Butuanong kadete ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA).

Ito ay upang personal na malaman ang dahilan ng pagkamatay ni 4th Class Jonash Bondoc matapos itong matagpuang wala ng malay kahapon habang nasa comfort room ng isa sa mga barracks ng PMMA.

Nabatid na patuloy din ang pulisya sa bayan ng San Narciso, Zambales, sa kanilang imbestigasyon matapos ideklara ng attending physician na patay na ang kadete.

Inilagay na ngayon sa “restricted custody” ang mga kasamahang kadete ni Bondoc sa Alpha Company na kasama nito sa barracks.

Nagsumite naman ng courtesy resignation ang kanilang commandant of cadets, battalion officer at company officer.

Sa inisyal na imbestigasyon, wala nakitang sugat o pasa sa katawan ng nasawing kadete kaya isinagawa ang otopsiya.