Inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) ngayong Linggo na nagbebenta ang Department of Agriculture (DA) ng bigas sa halagang P29 kada kilo sa limang tindahan ng Kadiwa sa Metro Manila.
Ang mga tindahang ito ng Kadiwa ay ADC Building ng Department of Agriculture – Central Office sa Quezon City; Kadiwa Center sa loob ng Bureau of Plant Industry sa Malate, Maynila; Kadiwa Store sa Llano Road, Barangay 167, Caloocan City; Kadiwa Store sa AMVA Housing, La Mesa Street sa Barangay Ugong, Valenzuela City; at Kadiwa Center sa PhilFIDA Compound, Talon Dos, Las Piñas City.
Sa pahayag ng PCO, sinabi ng DA na ang bawat sambahayan ay maaaring bumili ng maximum na 5 kilo ng bigas depende sa availability nito. Ang iba pang mga pagkain tulad ng isda, itlog, sibuyas, bawang, gulay at prutas ay makukuha rin sa mga Kadiwa stores.
Magpapatuloy naman ang pagbebenta ng bigas sa halagang P29 kada kilo kasabay ng inaasahang mahigit 100 milyong kilo ng bigas sa Agosto ngayong taon sa pamamagitan ng contract farming agreement sa Farmers’ Cooperatives Associations, ayon sa Department of Agriculture.
Ang Kadiwa Program ay isang flagship program ng Marcos Administration, na nagpapahintulot sa mga lokal na magsasaka na ibenta ang kanilang mga produkto nang direkta sa mga mamimili. Layunin nitong tulungan ang mga lokal na magsasaka na kumita ng mas malaki at mag-alok ng mas abot-kayang mga produkto sa mga mamimili