DAVAO CITY – Pinayuhan ngayon ni Atty. Paul Cagatin sa programang “Duralex sedlex” sa Bombo Radyo Davao ang publiko na huwag magpaloko sa mga inaalok ng iba’t ibang mga investment schemes sa Davao region para hindi masayang ang kanilang ini-invest na pera.
Ito ang pahayag ni Atty. Cagatin matapos na patuloy pa rin ang operasyon ng 39 na mga investment schemes sa ilang lugar sa rehiyon na nag-aalok ng malaking porsyento.
Dagdag pa ng abogado, isang malaking peligro ang mga investment schemes dahil pinaglalaruan lamang ang pera ng mga investors kung saan nagmula rin umano ito sa mga bagong investment.
Nangangahulugan daw ito na kung wala ng ma-recruit na mga investors ang isang kompaniya kaya wala na rin itong maibibigay na pera sa mga nag-invest dito.
Una nang sinabi ng kapulisan na nasa 53 mga investment schemes ang kanilang naitala sa Davao region kung saan 14 sa mga ito ang nagsara.