LEGAZPI CITY- Arestado ang isang barangay Kagawad na miyembro ng rebeldeng New People’s Army matapos na makuhanan ng mga baril at pampasabog sa ikinasang search warrant operation ng PNP sa Barangay 1, Pioduran, Albay.
Kinilala ang suspek na si Elwin Mangampo Buendia, 42 anyos na residente ng nasabing barangay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pol. Lt. Karen Formales ang tagapagsalita ng Albay Police Provincial Office, nakuha mula sa bahay ng suspek ang isang cal. 45 pistol, dalawang magazine na may mga bala, isang granada, isang anti-personnel mine at mga sobersibong dokumento.
Nabatid na mismong mga kabarangay ng suspek ang nagreport sa pulisya patungkol sa koneksyon nito sa NPA kung kaya’t naisagawa ang operasyon.
Nakakulong na sa ngayon ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516.