-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nababahala na ang mga Pilipino sa Hongkong dahil wala nang pinipili ang mga grupong nananakit doon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Maridel Quesada, tubong Cabatuan Isabela at kasalukuyang nagtatrabaho sa Kowloon, Hongkong sinabi niya na wala pa silang nabalitaang napapahamak na Pilipino kaugnay ng nangyayaring kilos protesta.

Aniya, wala ring napaulat na biktima ng pambubugbog sa mga Pilipino kundi pawang taga-Hongkong ang nagkakasakitan.

May narinig anya silang kuwento na nagbayad umano ang pamahalaan ng Hongkong ng mga taong mula sa mainland China para manggulo.

Ang mga grupong nakasuot ng puti ang nananakit umano sa mga grupong nakasuot ng itim na nagrarally.

Kahit sino aniya ang makita nila buntis man, bata, matanda na nakasuot man ng itim o puti ay sinasaktan nila.

May malaking epekto ito sa mga Pilipino sa Hong Kong dahil hindi na ligtas ang maglakad lalo na at silang mga OFW ang tagahatid ng anak ng kanilang mga amo sa paaralan gayundin sa pamamalengke at kailangan nilang dumaan sa mga bus station.

Nagkakaroon umano ng gulo dakong alas nuebe ng gabi at karamihang nagiging biktima sa pambubugbog ay ang mga umuuwi ng disoras ng gabi.