-- Advertisements --

CEBU CITY – Iniulat ng Bombo international correspondent sa Yehud, Israel na mapanganib ang kanilang sitwasyon sa ngayon habang nananatili ang tensiyon sa pagitan ng Palestinian at Israeli.

Ikinuwento ni Beng Miñoza na halos mag-panic silang lahat sa oras na tumunog na ang siren at kaagad silang magtago sa bomb shelter upang makaiwas sa missile.

Dagdag pa nito na sa bomb shelter na sila matutulog pagsapit ng gabi dahil mas ligtas umano sila rito.

Para kay Miñoza, hindi maganda ang maidudulot ng kaguluhan na nararanasan ngayon ng Israel at Palestine dahil wala umanong malalagyan ang kanilang pangamba sa kasalukuyang sitwasyon na may nasawi na mga inosente.

Gayunpaman, wala rin aniyang hinto ang tulong na ipinaabot ng embahada ng Pilipinas sa Israel sa Filipino community, kabilang na ang paalala sa mga Pilipino na hindi na lumabas sa bahay kung walang mahahalagang transaksiyon na pupuntahan.

Hinimok nito ang mga kinauukulan na sana ay matapos na ang kaguluhan upang wala nang buhay na masawi.