Iginiit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kooperasyon sa depensa at ekonomiya ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa isinagawang reception para sa mga miyembro ng US-Philippines Friendship Caucus sa Capitol Hill in Washington, D.C., sinabi ni Speaker Romualdez na siya ay masaya na nakabalik sa kapitolyo ng Amerika para maka-usap ang mga mambabatas ng Estados Unidos at iba pang opisyal upang lalo pang mapalakas ang relasyon ng dalawang bansa kasabay ng pagharap sa mga hamon.
Ikinalulugod naman ni Speaker ang suporta ng Amerika at mga kaalyado nito sa rehiyon at Europa sa pagharap sa hamon sa West Philippine Sea.
Sinabi ng lider ng Kamara na kasama sa suporta ng US ang pagbibigay nito ng military assistance gaya ng joint patrol at mga katulad na aktibidad at humanitarian mission.
Binigyan-diin din ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapalawak ang kooperasyong pang-ekonomiya.
Binanggit din ni Romualdez ang muling pagpasok ng Pilipinas sa Generalized System of Preferences (GSP) ng Amerika.
Ibig sabihin mapapasok na ang mga piling produkto ng Pilipinas sa US market ng walang binabayarang buwis.
Bago nag-lapse ang GSP ng Pilipinas ay mahigit $2 bilyon ang halaga ng produkto mula sa Pilipinas ang pumapasok sa Amerika kada taon.
Sinabi ng lider ng Kamara na hindi lamang ito makakatulong sa pagkakaroon ng trabaho sa Pilipinas kundi pakikinabangan din ng mga konsumer sa Amerika dahil mabibili nila ang mga produkto sa mas mababang halaga.
Umaasa naman si Speaker Romualdez ang pagkakaroon muli ng dayalogo para muling pag-usapan ang pagpapalawak ng kolaborasyon ng dalawang bansa.
Ang pagpupulong kasama ang mga miyembro ng US-Philippines Friendship Caucus ay bahagi ng opisyal na pagbisita ni Speaker Romualdez sa Amerika.