Naghain si Senador Win Gatchalian ng resolusyon upang suriin ang kahandaan ng mga paaralan para sa School Year 2023-2024 sa gitna ng pagwawakas ng public health emergency dahil sa COVID-19 at sa mga pinangangambahang sama ng panahon.
Maliban sa pagwawakas ng public health emergency na dulot ng COVID-19 at ang banta ng El Niño, binigyang diin ni Gatchalian na nagdulot nang mas maikling school break ang pagbabago sa school calendar.
Layon ng Proposed Senate Resolution No. 689 ang agarang pagsusuri sa mga hamon at sa magiging epektibo ng parehong face-to-face classes at alternative delivery modes.
Bibigyan din ng konsiderasyon ang mga panawagang ibalik ang summer break mula Abril hanggang Mayo.
Sa ilalim ng Department Order (DO) No. 034 s. 2022, nakatakdang magsimula ang school year (SY) 2023-2024 sa Agosto 28, 2023 at magtatapos sa Hunyo 28, 2024. Matatandaan na ginamit ang DO No. 034 s. 2022 na batayan para sa SY 2022-2023. Nakasaad din dito na maglalabas ng hiwalay na DO para sa pagsisimula ng SY 2023-2024 at SY 2024-2025.
Samantala, kamakailan lang ay inanunsyo ng DepEd na binabalak nilang simulan ang pasukan sa Agosto 29 imbes na Agosto 28.
Isinasapinal na rin ang Department Order na magtatakda sa school calendar para sa darating na school year.