Habang nakatakda ang Department of Education (DepEd) na repasuhin ang pagpapatupad ng senior high school (SHS) program, binigyang diin ni Senador Win Gatchalian ang pangangailangang tutukan ang kahandaan ng mga graduates sa trabaho o sa kolehiyo.
Nababahala si Gatchalian na bagama’t isang dekada na ang lumipas simula ng isabatas ang Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law, bigo ang programa na tuparin ang pangako nitong ihanda ang mga graduates sa trabaho o sa kolehiyo.
Ang mga graduate ng Technical-Vocational-Track (TVL) strand, halimbawa, ay hindi nakatatanggap ng certification matapos ang kanilang graduation na magbibigay sana sa kanila ng mas mataas na tsansang makapasok sa trabaho.
Pinuna ni Gatchalian na 6.8% lamang ang certification rate sa 473,911 Technical-Vocational-Track graduates para sa School Year 2020-2021.
Sa kabilang banda, sa 32,965 na kumuha ng national certification para sa school year na iyon, 31,993 o 97.1% ang pumasa.
Dagdag pa ng senador, kailangan ng ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang matiyak ang mas maayos na transition ng mga senior high school graduates.