-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Tiniyak ng PNP Region 1 ang kanilang kahandaan ilang araw bago sumapit ang midterm elections.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lt. Col. Mary Crystal Peralta, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) Region 1, sinabi nito na handa na ang buong hanay ng PNP sa rehiyon kasama ang Commission on Elections (Comelec), Armed Forces of the Philippines (AFP) at ibang sangay ng gobyerno.

Naka-maximize na rin aniya ang deployment ng kanilang mga pulis maging ng militar lalo na sa mga binabantayan nilang lugar o election hotspots para mapanatili ang kapayapaan dito.

Aniya, tinututukan din ng kanilang hanay ang pagdadala ng mga vote counting machines sa mga paaralan na magsisilbing polling precincts sa darating na halalan sa Lunes.

Samantala, inihayag naman ni Peralta na wala pa namang plano ang PRO-1 na magkaroon ng balasahan o reshuffling ng mga Chief of Police at Provincial Director dito sa rehiyon uno ngayong nalalapit ang eleksyon.