Umaasa pa rin ang kampo ni Sen. Manny Pacquiao na makakalahok pa rin sa kahit isang laban ang 8-division world champion bago matapos ang taong kasalukuyan.
Pero aminado si Sean Gibbons, presidente ng MP Promotions, malabo pa rin sa ngayon na makapagsagawa sila ng laban bunsod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Estados Unidos.
“You got to remember there are a lot of things that have to happen. And first off all, COVID-19 rapidly needs to slow down,” wika ni Gibbons.
Inamin din ni Gibbons na nananatiling top market ang US para sa isang Pacquiao fight, kahit na naghayag ng interes ang Saudi Arabia na mag-host ng laban ng Fighting Senator bago pa man ang pandemya.
“If they (Saudi Arabia) would come around, that would be good for the senator because he really wouldn’t have to miss that much time like he does when he comes to the U.S.,” anang matchmaker.
Maliban dito, isa rin sa kanilang mga konsiderasyon ang schedule ng senador.
“His time to fight is generally July-January, July-January due to his schedule in the Senate,” ani Gibbons.
Huling nakipagbakbakan si Pacquiao noong nakaraang taon nang magwagi ito sa pamamagitan ng split decision kontra sa dating walang talo na si Keith Thurman.