Hindi umano problema para kay Vice President Leni Robredo kung may pag-aalangan ang administrasyon at mga opisyal ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) sa pagbibigay sa kanya ng listahan ng mga top drug suspects sa bansa.
Una rito, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) director-general Aaron Aquino, na co-chair ni Robredo sa ICAD, na labas na raw sa mandato ng bise presidente ang pagkakaroon ng talaan ng mga high-value targets.
Ayon kay Robredo, naiintindihan niya raw ang kanyang pinasok at sanay na raw siyang magtrabaho na “maraming mga limitasyon.”
“Ine-expect kong maraming resentment. Ine-expect ko na maraming mistrust… Pero iyong sa akin, hindi sa akin personal,” wika ni Robredo.
Paliwanag pa ng pangalawang pangulo, bagama’t importante na magkaroon ng tama at pinakahuling datos para sa kanyang diskarte kontra illegal drugs, hindi niya raw igigiit kung tumanggi ang PDEA na ibahagi ito sa kanya.
“Iyong paghingi ng datos napakahalaga sa akin, kasi ang gusto ko strategic, ang gusto ko data-driven, ang gusto ko evidence-based. Pero nasa sa kanila naman kung ibibigay o hindi. Ako, ang sa akin, sanay ako to work with many limitations. Kapag hindi binigay, eh ‘di maghahanap tayo ng paraan para maayos pa din. Pero hindi ko naman kontrolado iyong desisyon ng mga agencies,” ani Robredo.
Determinado naman aniya si Robredo na gawin ang kanyang tungkulin sa kabila ng mga limitasyong hinaharap.
“Very realistic ako when I decided to accept the designation. Naiintindihan ko na maraming magiging limitations,” anang bise presidente.
Samantala, handa naman daw ang PDEA na ilahad kay Robredo ang high-value target drug list, ngunit dapat ay sa loob lamang ng isang close-door meeting at sa presensya ng mga tauhang may kaukulang security clearance.
Katwiran pa ni Aquino, itinuturing nilang classified information ang listahan na hindi maaaring basta-basta na lamang ibigay sa iba.
“Sa pinaka simpleng explanation — kapag binigay namin ang listahan kay VP Robredo hindi na namin alam kung sino sino ang magkakaroon ng access sa listahan. That will compromise our negation operations,” sambit ni Aquino.