LEGAZPI CITY – Nasabat ng tropa ng Bantay Karne sa Lungsod ng Legazpi ang kahon-kahong pork meat products na tinangkang ilusot sa lugar.
Lulan ang nasa 12 kahon ng lumpiang shanghai, tocino, luncheon meat at chorizo de Cebu, ng isang non-freezer truck ng courier van service na nagdedeliver ng mga online products.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bantay Karne head Bong Samar, halos isang linggo nang sinusubaybayan ang operasyon kung saan online ang pagbili ng mga produkto.
Limang beses na ring nagdeliver sa lungsod subalit hindi pala tugma ang mga dokumentong hawak dahil mula sa Mandaue City, Cebu ang shipment at patungong Masbate City.
Subalit sa surveillance ng team, nagtungo muna sa Legazpi Public Market ang mga ito para magbaba ng gulay hanggang sa magsuplay ng mga produkto sa isang “Clarisse Añonuevo” sa Brgy. Bigaa.
Nagkakahalaga ng P60,000 ang mga nasabat na produkto na kukuhanan ng sample para sa testing habang ililibing rin ang iba kinalaunan.
Todo-pagbabantay ngayon sa Legazpi upang mapanatili ang pagiging African Swine Fever (ASF)-free ng lungsod.