LEGAZPI CITY – Nagbabala ang mga otoridad sa publiko na maging maingat sa pagbili ng mga gamot mula sa hindi otorisadong retailers at dealers matapos na mahuli ang isang nagpapakilalang dealer ng mga kilalang gamot.
Kinilala ang suspek na si Leo Noel Villamer, 23-anyos na college student, na naaresto sa buy bust operation sa Barangay Matacon, Polangui, Albay.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group Albay chief P/Maj. Ronnie Fabia, nakipag-ugnayan sa kanila ang mga kinatawan ng pinakamalaking pharmaceutical company sa bansa dahil sa sumbong ng kumakalat na mga naturang gamot na ibinebenta umano sa mga sari-sari store.
Positibo naman ang resulta ng operasyon sa pagkakaaresto kay Villamer at pagkakarekober sa 28 kahon ng pekeng gamot na nagkakahalaga ng mahigit P37,000, maging ang buy bust money.
Karamihan sa mga ito ang para sa sakit ng ulo at katawan, lagnat, ubo at sipon, maging ang iba pang gamot sa mga karaniwang sakit sa komunidad.
Naniniwala naman ang pulisya na hindi lamang sa Albay ang operasyon ng mga ito kaya’t tutukuyin din kung saan nagmumula ang mga suplay.
Payo pa ni Fabia na suriing mabuti ang mga gamot na binibili upang hindi mabiktima ng mga pekeng gamot na posibleng gawa lamang aniya sa corn starch at iba pang sangkap.
Sasampahan na rin ng kasong paglabag sa Republic Act 8203 o Special Law on Counterfeit Drugs ang estudyanteng suspek.