Humingi nang pang-unawa si Kai Sotto matapos na hindi ito makasama sa Gilas Pilipinas para sa 2021 FIBA Asia Cup sa Indonesia.
Nagpasya itong maglaro na sa koponan ng Adeleaide sa Australian National Basketball League (NBL).
Sa kaniyang social media account nagpaliwanag ito sa paglalaro sa NBL bilang kritikal na bahagi ng kaniyang basketball journey.
Matapos kasi ang pagsali nito sa qualifiers window at OQT para sa Gilas ay itutuon muna nito ang atensiyon sa paglalaro sa Adelaide 36ers.
Tiniyak din ng 7-foot- 3 na manlalaro na babalik pa rin ito sa bansa para maging bahagi ng Gilas Pilipinas.
Nanawagan din ito sa mamamayan na suportahan ang Gilas dahil siya ang magiging pinakamalakas na magbibigay ng suporta sa Pilipinas sa pagsabak sa Asia Cup.
Simula kasi sa Agosto 1 ay magtutungo na ito sa Australia kung saan magsisimula rin ang kaniyang quarantine.
Unang nakasama ng Gilas Pilipinas si Sotto sa third window ng FIBA Asia Cup Qualifiers kung saan mayroong 9.3 points at pitong rebounds kada game.
Dalawang beses din itong naglaro sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Belgrade kung saan mayroon itong average na 9 points at 4.5 rebounds bawat game.