Nakiisa ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa mga Pinoy basketball fans na todo ang suporta para kay Kai Sotto makaraang pormal na itong pumirma ng kontrata sa NBA G League.
Sa isang pahayag, sinabi ni SBP President Al Panlilio na umaasa sila na mas mahahasa pa ang abilidad ni Sotto sa G League hindi lamang bilang isang basketball player kundi bilang isang tao.
“We had a frontrow seat in seeing Kai grow through our Gilas Pilipinas Youth program and we’re hopeful that his development will continue further in the NBA G League not just as a basketball player but as a young man as well,” wika ni Panlilio.
Naniniwala rin si Panlilio na ang tagumpay ng 7-foot-2 basketball prodigy ay magiging kapaki-pakinabang sa national team.
“Kai will be a huge part of the future of Philippine basketball, so his success will be the entire country’s, too,” saad sa pahayag.
Malaki ang paniniwala ng maraming mga coach na magiging bahagi si Sotto ng Gilas Pilipinas team para sa 2023 Fiba World Cup, kung saan magiging co-host ang bansa.
Noong 2016 nang pangunahan ni Sotto ang Gilas Youth patungo sa gold medal finish sa 2016 SEABA Under-16 Championship.
Malaki rin ang naging papel ni Sotto sa kampanya ng Pilipinas sa 2018 Fiba Under-17 World Cup sa Argentina, kung saan nagtapos ang bansa sa 13th place, maging ang 14th-place run ng Pinoy squad sa 2019 Fiba Under-19 World Cup sa Greece.