(Update) LEGAZPI CITY – Labis na nagdadalamhati ang mga Kongresista matapos ang biglaang pamamaalam ni Sorsogon 2nd District Representative Maria Bernardita “Ditas” Ramos sa edad na 83-anyos ilang araw lang matapos na makumpirmang may coronavirus disease.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Ako Bicol Partylist Representative Alfredo Garbin Jr., nakilala bilang malumanay, mabait at maunawain na kongresista si Tita Ditas na binansagan nilang “ina ng Kongreso” dahil sa mabuting trato nito sa mga katrabaho.
Sa halos isang taon na pagkakasama nila sa Bicol block, nakitaan umano ito ng kasipagaan sa araw-araw na pagdalo sa mga pagdinig sa Kongreso sa kabila ng edad nito.
Nagpaabot na rin si Garbin ng pakikidalamhati sa lahat ng mga kapamilyang naiwan ng kongresista.
Samantala sa ngayon, pinag-uusapan na rin kung sino ang maaaring pumalit sa naiwan na posisyon ni Ditas bilang representante ng ikalawang distrito ng Sorsogon.