-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Umapela ang presidente ng League of Cities of the Philippines (LCP) ng mas magandang koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at mga LGUs kaugnay sa pag-uwi ng mga locally stranded individuals, returning overseas Filipinos at overseas Filipino workers.

Ito ay kasabay ng online consultation meeting na isinagawa ng Department of National Defense (DND) kahapon sa pangunguna ni Secretary Delfin Lorenzana at dinaluhan din ng kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DoTr), Department of Labor and Employment (DOLE) at iba pang local chief executives.

Ayon kay Bacolod City Mayor Evelio Leonardia, ang kakulang ng koordinasyon sa pag-uwi ng mga OFWs ay malaking pasanin para sa local action teams dahil hindi mahuhulaan ang kanilang arrival.

Hiling ni Leonardia ang sistema upang maorganize ang returning OFWs batay sa kanilang point of destination.

Humiling din ang LCP president ng advance information kaugnay sa detalye ng mga returnees tatlong araw bago ang kanilang arrival upang makapaghanda ang mga LGUs.

Sinang-ayunan din ni League of Provinces of the Philippines president Marinduque Governor Presbitero Jose Velasco at DOTr Secretary Arthur Tugade ang hiling ni Leonardia.

Sinabi naman ni DILG Secretary Eduardo Año na ang LGU of origin ang dapat mag-inform sa receiving LGU tungkol sa mga kailangang impormasyon kaugnay sa returning LSIs.

Iginiit din ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III na ang DOLE ang dapat na magpapadala ng mga pangalan ng returning OFWs at ang point of destination sa receiving LGUs.