LAOAG CITY – Kailangang ipakita ng mga namumuno sa bansa lalo na kay Pres. Ferdinand Marcos Jr. na naiiba ang kasalukuyang administrasyon kumpara sa mga nagdaan.
Ito ang inihayag ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, dating Presidente ng Integrated Bar of the Philippines, kasabay ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado kay dismissed Mayor Bamban, Tarlac Alice Guo.
Ayon kay Cayosa, maganda umanong naibalik na ang pagdinig kay Guo dahil marami pang mga dapat malaman ang mga mambabatas at ang taong bayan.
Kinakailangan din umanong maipakita ni Pangulong Marcos na mayroong political will ang ginagawang imbestigasyon lalo na sa Senado para makabalangkas ng mas maayos na batas na may kaugnayan sa pagtigil ng operasyon ng illegal na Philippine Offshore Gaming Operators.
Dagdag pa nito na kapag malaman na nasa gobyerno ang mga tumulong kay Guo ay agad na tatanggalin ng pangulo tulad ng nangyari kay Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Sinabi rin ni Cayosa na kapag may interrogation skills ang Senado ay magagawa nilang makapagsalita si Guo kung sino ang mga tumulong sa kanya.
Hinikayat rin nito ang pamahalaan at ang mga nagsasagawa ng imbestigasyon sa kaso ni Guo na dapat malaman lahat ng ugnayan ng dating alkalde ng Bamban tulad ng mga kakilala nito, kaibigan, mga trasaksyon at iba pa.
Samantala, sinabi ni Cayosa na walang legal na rason si Guo upang matakot siyang mamatay kung kaya’t ayaw sagutin ang mga katanongan sa kanya.