Mula pa kahapon ay maaga nang nagpatupad ng preemptive evacuation ang local na pamahalaan ng Dinagat Islands province matapos na tukuyin ng Pagasa na kabilang ito sa unang tatamaan sa landfall ng bagyong Odette.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Gov. Arlene “Kaka” Bag-ao, iniulat nito na umaabot sa 6,300 na mga residente ang inisyal nilang inilikas na nagmula sa iba’t ibang mga munisipyo.
Ayon kay Bag-ao ang naturang mga residente ay nanggaling sa mga lugar na inaasahang babahain at nasa shorelines.
Habang kapanayam ng Bombo Radyo ang gobernadora ay ramdam na ang sungit ng panahon sa probinsiya ng Dinagat Islands at minsan ay hindi na rin maganda ang signal ng kumunikasyon.
Kasabay nito, ipinaabot ni Gov. Bag-ao sa national government ang panawagan na wala na silang contact sa labas at ang naka-stock lamang sa kanilang mga relief goods ay ang mga dati pa.
Liban nito, kabado na sila dahil sa maaaring masira ang kanilang mga kalsada at pananim lalo na at inilagay na sila sa storm warning signal number 4 ng Pagasa.
Ilang mga kalsada rin kasi ay nagkataon pa at kasalukuyang ginagawa.
Maging ang kanilang mga mangingisda ay ilang araw na ring walang kita makaraang pagbawalang pumalaot.
“Yon po ang mga priority support na kakailanganin namin lalo na ‘yong pagkain pagkatapos ng bagyo dahil malapit na rin ang pasko,” ani Gov. Bag-ao sa Bombo Radyo.