Inilarawan ng ilang opisyal na 99 percent na pinadapa umano ng superlakas na bagyong Odette ang mga bahay sa islan ng Siargao.
Sa kuwento sa Bombo Radyo kay Rep. Francisco Jose Matugas II ng Surigao del Norte 1st district, sinabi nito na maging daw ang kanilang bahay na kongkreto na ay hindi pinatawad ng bagyo.
Sa lakas daw ng bagyo ay kaya nitong liparin ang kotse.
Sa ngayon ang pangunahing pangangailangan ng mga residente sa Siargao ay ang tulong sa tubig, pagkain at pansamantalang masisilungan.
“Wala ng pagkain at tubig ‘yun ‘yong immediate. Pero kailangan din namin ng temporary shelters kasi 99% ng bahay bagsak,” ani Rep. Matugas.
Sa inisyal na report ng kanyang ama na si Governor Lalo Matugas, tinatayang nasa P20 billion ang halaga na pinsala sa Siargao, na sikat din sa mga resorts at bilang surfing capital ng bansa.
Una rito, nakapagtala na rin ng dalawang casualties ang Surigao del Norte pero hindi pa nakukuha ang ibang report sa malalayong lugar.
Ang Siargao ay binubuo ng siyam na mga munisipyo at wala pang mga mayors ang nagpapaabot ng impormasyon bunsod ng problema sa kumunikasyon.
Samanta, iniulat din ni Matugas na nag-organisa na siya ng inisyal na delivery ng tulong sa kanilang lugay at sa mga gusto pang magbigay donasyon ay ihatid lamang sa hangar ng Philippine Coast Guard sa hangar ng Terminal 4 sa NAIA para sa isama sa relief operations.