Inamin ni weightlifting star Hidilyn Diaz na may ilang mga aspeto pa itong hinahabol bago ang nakatakda nitong kampanya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Diaz, maliban sa maayos na performance sa sasalihan nitong event, kinakailangan niya rin daw magbawas pa ng timbang bago ang kompetisyon sa Disyembre.
Hindi rin naitago ni Diaz na mahirap umanong magdyeta sa Pilipinas lalo pa’t masasarap ang pagkain dito sa bansa.
Kaya naman, sa 23 araw na training camp nito sa Taiwan ngayong buwan ay kanya raw tututukan ang kanyang timbang nang sa gayon ay humusay pa ang kanyang pokus para sa SEA Games.
Sa kabila nito, tiniyak ni Diaz na preparado na raw ito kulang-kulang isang buwan bago ang Palaro.
Samantala, sinabi pa ng 2016 Rio Olympics silver medalist na magkahalong excitement at pressure ang kanyang nararamdaman bago ang biennial meet.
Asam ngayon ni Hidilyn ang kanyang unang gintong medalya sa SEA Games kung saan isa rin siya sa mga inaasahang pagmumulan ng karangalan ng Pilipinas.