-- Advertisements --
PMA ARCH BAGUIO
The Philippine Military Academy (PMA) in Baguio City (photo from gobaguio.com)

BAGUIO CITY – Inamin ng liderato ng Philippine Military Academy (PMA) na malalim na ugat ang gusto nilang bunutin kasunod ng paglabas ng mga videos na nagpapakita sa magkahiwalay na pagmamaltrato sa mga plebo maliban pa sa naging kaso ng nasawing hazing victim na si Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PMA public information officer Captain Cherryl Tindog, ang inaaksiyunan ng kasalukuyang liderato sa akademya ay isang 121-year old culture.

Gayunman, iginiit niya na hindi isinulat o ini-istablisa sa loob ng akademya ang nasabing maling gawain.

Aniya, kakailanganin ang sapat na panahon at intervention mula sa mga stakeholders at divine intervention mula sa Diyos bago tuluyang mabunot ang nasabing kultura.

Sinabi niya na mula ng umupo ang bagong pinuno ng PMA ay lahat ng kanilang napag-usapang hakbang para mawala na ang kultura ng pag-hazing ay unti-unti na nilang ipinapatupad.

Dinagdag niya na araw-araw ay nagsasagawa sila ng assessment para tignan ang effectiveness ng kanilang ginagawang hakbang.

Sinabi pa ni Tindog na ginagawa nila ang lahat para maaksiyunan ang root cause ng maling gawain ng mga kadete para hindi na ito maulit kailanman.

cherryl tindog
PMA spokesperson Capt. Cherryl Tindog

Umapela pa ito sa publiko na bigyan ang akademya ng isa pang pagkakataon para patunayan nila ang kanilang seriousness sa kanilang commitment na magsagawa ng positibong pagbabago sa loob ng akademya at sa mga kadete.

Samantala, umapela rin si AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo sa mga netizens para hindi na nila ikalat ang dalawang viral videos ng magkahiwalay na hazing incidents sa PMA.

Iginiit niya na walang makikinabang sa pagkalat ng nasabing videos at mas lalo lamang lalala ang isyu.

Hiniling din niya na bigyan ng mga netizens ng pagkakataon ang pamilya ng mga kadeteng biktima at ang akademya na maghilom at ang Corps of Cadets na matuto mula sa nagawa nilang pagkakamali.