“Bittersweet”. Yan ang paglalarawan ng nag-iisang pumasa sa Real Estate Consultant Licensure Examination na si Ma. Dani Vi Petal Edrad.
Sa panayam ng Star FM Baguio kay Edrad mula University of the Philippines Diliman, ibinahagi nito na masaya siya sa kanyang nakamit na tagumpay ngunit ikinalungkot nito na siya lang ang nag-iisang board passer.
“Hindi naman po siya masaya, hindi rin malungkot. Nanibago lang ako. Mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho.”
Kwento rin nito na hindi naging madali ang kanyang journey lalo na at siya ay isang cancer survivor noong siya ay bata pa lamang, kaya laking pasasalamat niya na hindi siya kaagad sumuko.
“Five-year-old to 6-year-old [ako], may nararamdaman akong masakit sa paa ko. Ayun pala, unti-unti nang nabubutas ang buto ko sa paa ko. So, nagdecide ang aking parents na idala ako sa isang specialist. Bone marrow cancer pala. Wala kaming pera, mahirap lang kami. Kahit ang wheelchair, wala ako kasi ito na ang pambili namin ng gamot. 7-years-old ako, nakasurvive ako at simula noon, nung nagta-trabaho na ako, tumutulong ako sa kapwa ko.
Nagbigay inspirasyon rin ito para sa mga may planong kumuha ng licensure examination.
“Kailangan, kung may gusto kang abutin, para sa sarili mo, para sa pamilya mo, at para makatulong ka sa kapwa mo.”
Naganap ang Real Estate Consultant Licensure Examination noong December 7, 2022 at January 9, 2023 at lumabas ang resulta noong January 17.