Patok ngayong papalapit ang araw ng mga puso ang kakaibang bouquet sa Dangwa, Manila.
Bukod kasi sa karaniwang bouquet of flowers, ang ilan sa mga pinapagawa ay bouquet ng mga prutas, gulay, kape, pera at kung ano ano pang pakulo ng mga customers.
Ang bouquet na ito ay nagkakahalaga ng 1000 hanggang 1500 pesos.
Samantala, ang mga ito ay pre-order o ipinapasadya talagang ipagawa sa mga flower shop dahil ang nakadisplay lang talaga ay ang mga bulaklak.
Ayon kay Aleng Grace Bergado, 22 years nang nagtitinda sa kanyang flower shop, ang mga customer ay nais ng kakaibang bouquet para sa kanilang mahal sa buhay ngayong papalapit ang araw ng mga puso.
Practical raw kasi kung ito ang ibibigay dahil napapakinabangan tulad nalang ng gulay na pwedeng lutuin kumpara sa bulaklak na nalalanta lang rin pagkalipas ng ilang araw.
Kay Kuya Laurel Garcia naman na nagtitinda ng bulaklak ay may nagpagawa ng pakbet bouquet, ayon sa kaniyang mga customer, special raw kapag kakaibang bouquet ang kanilang ibibigay.
Sa ngayon ay dinadagsa na ng mga tao ang dangwa, nakadisplay na rin ang iba’t ibang mga bulaklak.
Bagamat marami na ang pumupunta ay kokonti palang raw talaga ang bumibili dahil karamihan ay inaalam palang ang presyo at naghahanap ng mas murang bulaklak dahil mas tumaas raw ang presyo nito ngayong papalapit ang araw ng mga puso kumpara sa mga normal na araw.