Matindi na ang dinadalang excitement sa mga taga-Australia sa magaganap na laban doon ni Sen. Manny Pacquiao sa July 2 kontra sa kanilang kababayan na si Jeff Horn.
Para sa ilang tagamasid, makasaysayan ang magaganap na labanan sa kanilang lugar.
Ayon naman sa ilang lokal na opisyal, malalagay sa mapa sa buong mundo ang Brisbane lalo na at isang legend si Pacman at isang eight division world champion.
Ang ibang promoter ni Horn ay binansagan ang bakbakan bilang “Battle of Brisbane.”
Pinag-uusapan na rin ang pagbenta ng tickets na katumbas ng US$42 ang general admission o ang pinakamahal ay kulang-kulang ng A$100.
Sinabi naman ni Australian Tourism Minister Kate Jones, inaasahan nila na makakatulong sa turismo ang nasabing laban na posible raw magdala ng A$15.8 million sa ekonomiya.
Sa kanya pang pagtaya baka kalahati ng mga manonood na fans ay magmumula sa ibang bansa o sa interstate.
Para naman sa dating school teacher na si Horn, excited na siya na mapuno ng mga fans ang halos 55,000 capacity na Suncorp Stadium sa Brisbane.
Una nang naasar si Horn sa lumutang na pahayag ng isang adviser ni Pacquiao na pagpapraktisan lamang siya para sa next fight ng Pinoy ring icon kontra kay Amir Khan.