LAOAG CITY – Kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na kakandidatong para bise alkalde ang isa sa mga nahuli sa comelec checkpoint sa bayan ng Badoc dito sa lalawigan ng Ilocos Norte matapos matuklasan ng mga otoridad na may 14 na bala ng cal 40 na baril sa kanyang sasakyan.
Kinilala ni Police Major Edward Santos, ang chief of police sa bayan ng Badoc ang mga nahuli na sina Jorcon Victor Sales y Paz, 37-anyos, walang asawa, negosyante, residente sa Brgy. 1 Sta. Rita sa bayan ng Bacarra, driver ng isang ford raptor at ang kasama nito na si Vincent Dancel, 23-anyos at residente naman sa Brgy. 20 San Miguel dito sa Lungsod ng Laoag.
Napag-alaman na si Sales ay tatakbong para bise alkalde sa bayan ng Bacarra.
Ayon kay Santos, patungo sana sa La Union ang dalawa subalit habang iniinspeksyon ng mga pulis ang kanilang sasakyan kung saan hinanap nila ang OR at CR sa driver sa comelec checkpoint ay binuksan ni Sales ang kahon ng armscor at dito na tumambad ang mga bala ng nasabing baril.
Iginiit ni Sales na hindi niya alam na may mga bala sa sasakyan at sinabi na hiniram lamang niya ito.
Sa ngayon, nanatili sa kustodya ng PNP sa bayan ng Badoc sina Sales at Dancel habang inihahanda na ang reklamong paglabag sa Republic Act (RA) 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” at comelec gun ban laban sa kanila.