Inilahad ng National Kidney Transplant Institute na ang numero unong dahilan ng organ trafficking sa Pilipinas ay ang kakapusan ng mga organ donations maliban pa sa kahirapan.
Ginawa ng NKTI ang pahayag kasunod ng pagka-aresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa 3 mga suspek na sangkot sa kidney organ trafficking kabilang ang at large na umano’y head nurse ng NKTI na lider umano ng grupo habang nasagip ang 9 na mga biktima sa San Jose Del Monte City, Bulacan.
Ayon kay Dr. Concessa Casasola, NKTI acting deputy director for Education Training and Research Services, kapag kakaunti lamang ang donors mas tumatagal din ang pagproseso ng kidney transplant.
Paliwanag pa ni Dr. Casasola na may mga pasyenteng inaabot ng 2 hanggang 6 na taon bago makahanap ng kidney donor.
Sa kasalukuyan, mayroong 100 organ recipients ang nasa listhan ng Human Organ Preservation Effort (HOPE) ng NKTI.
Samantala, ayon sa NKTI executive director Dr. Rose Marie Rosette-Liquete pumapalo sa P1.2 million ang kidney transplant operation kung saan hanggang P600,000 kada operasyon ang sina-subsidize ng Philhealth.