-- Advertisements --
asf nokor 2

LEGAZPI CITY – Handa ang Legazpi City na tanggapin ang mga ipapakatay na baboy mula sa ilang kalapit na bayan matapos ipasara ang ilang slaughter house sa Albay dating sa nadiskubreng paglabag.

Ito ay kasunod ng mga ipinatupad na inspeksyon sa mga slaughter house bilang bahagi pa rin ng pag-iingat laban sa African swine fever (ASF).

Siniguro ni Legazpi City Veterinarian Dr. Emmanuel Estipona sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na hygienic ang procedure ng pagkakatay ng baboy sa lungsod.

Handa rin aniya ang kanilang mga pasilidad upang tumanggap ng daan-daang mga baboy na kakatayin sa loob ng isang araw.

Sa kabila nito, iginiit ni Estipona na kinakailangang masiguro na walang sakit ang mga baboy na dadalhin sa lungsod dahil kung magkataon ay iko-condemn umano ang mga ito upang hindi na makahawa sa ibang baboy.

Samantala, dagdag pa ng opisyal na mahigpit na rin ngayong ipinagbabawal ang pag-stock ng mga baboy at kailangang katayin agad ang mga ito upang maiwasan na dapuan pa ng mga virus.