BOMBO DAVAO – Nagpapatuloy ang isinasagawang search, rescue and retrieval operations sa bansang Turkey matapos na yumanig ang 7.8 magnitude na lindol sa gitnang Turkey at hilagang kanlurang bahagi ng Syria.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Davao, inilahad ni Bombo International News Correspondent Arda Ercin, isang Turkish national, na ito na ang pinakamalakas na lindol na yumanig sa kanilang bansa sa loob ng isandaang taon.
Pinangangambahan rin ng otoridad ng nasabing bansa na posibleng madagdagan pa ang mga nasawi at nasugatan na umabot na sa libo-libong bilang.
Malaking hamon rin aniya sa mga rescue teams malapit sa mga apektadong lugar ang pagsasagawa ng rescue operations dahil na rin sa malamig na panahon.
Kumilos agad ang gobyerno upang tumawag ng iba pang mga rescue teams at magtayo ng rescue centers lalo na sa mga lungsod ng Istabul at Ankara upang tulungan ang mga apektadong residente.
Nararanasan rin ngayon sa lugar ang kapos na suplay ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng tubig, kuryente, maging ng kuryente.
Habang hinhintay ng buong bansa ang pagdating ng tulong mula sa international community, higit na kinakailangan nila ngayon ang pagsagip sa mga na-stranded na mga residente mismo sa episentro ng lindol.
Lulan ng pagkasira ng mga imprastraktura maging mga ospital, nagtayo na rin ng mga tents para sa medical teams na pansamantalang silungan ng mga pasyente.
Inilarawan rin ni Arda ang kasalukuyang sitwasyon sa kalapit nitong bahagi ng Syria na niyanig rin ng lindol.
Aniya, isa sa pinakamarubdob na tanawin sa lugar ang nagluluksang kababayan na humaharap sa pinakamahirap na trahedya sa kasaysayan.