-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Isyu ngayon sa mga atletang Pinoy na kasama sa Paris Olympics 2024 ang kakulangan ng kanilang pagkain, kung kaya’t humuhingi umano sila ng donasyon sa mga Pilipinong nasa Paris.

Ayon kay Bombo Genelyn Chanjueco Zeid, ang Bombo International Correspondent sa Paris Olympics, ang iba sa mga atleta ay hindi nagustuhan ang nai-serve sa kanilang pagkain.

Nakadagdag pa ang hindi basta-bastang pagpapalabas sa kanila mula sa Olympic Village upang makabili sana ng pagkain kung kaya’t nananawagan na lamang sila sa mga kababayang nagtatrabaho at naninirahan na sa Paris na madalhan sila ng pagkain kung kaya’t may nagtatanong kung saan napunta ang budget nila para dito.

Laking pasasalamat ng mga ito nang may nagbigay sa kanila lalo na ang mga taga-Philippine Embassy to France na personal pang naghatid sa kanila ng pagkain sa Olympic Village.

Hindi rin umano matatawaran ang dedikasyon ng mga Pinoy Athletes na kaagad na nagti-training pagkadating nila sa Paris.

Matatandaang una nang nai-post ni Pinay golfer Dottie Ardina ang kanyang pagkadismya dahil sa kawalan nila ng uniform kasama ang kapwa nito golfer na si Bianca Pagdanganan kung kaya’t dinikitan na lang nila ng bandila ng Pilipinas ang suot nilang shirt sa kompetisyon gamit ang double-sided tape.