KALIBO, Aklan – Sa kabila ng pagbuhos sa Pilipinas ng mga donation na test kits para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), malaki naman ang problema sa kakulangan ng polymerase chain reaction (PCR) machine.
Ayon sa scientist na si Raymund Sucgang, supervising science research specialist sa Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), ito umano ang dahilan kung bakit imposible pa ang mass testing lalo na sa mga persons under investigation (PUIs).
Aniya, karamihan sa mga pagsusuri ay isinasagawa sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) kung saan, mahabang proseso ang pinagdadaanan at hindi ito katulad sa pregnancy test na malalaman kaagad ang resulta.
Paliwanag ni Sucgang, matapos na makuhaan ng specimen sample ay isasailalim ito sa PCR upang ito ang magpaparami ng genes ng virus upang matukoy kung positive o negative.
Ang paggamit aniya ng test kit ay isa sa mga importanteng instrumento laban sa COVID-19.
Sa ngayon ay binuksan na ang Western Visayas Medical Center sa Mandurriao district sa Iloilo City upang maging bagong coronavirus test lab sa Western Visayas.
Nabatid na ang Western Visayas ay may lima nang kumpirmadong kaso ng virus.