CEBU CITY – Kakulangan sa ‘financial literacy’ ang nakikitang dahilan ng isang financial adviser kaya pumapasok at nagpapadala sa mga investment scam ang ilan sa mga Pilipino.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Michael Anthony Curan, nagbabala ito sa publiko laban sa mga naglipanang investment scam.
Kailangang maging mapagmatyag aniya lalo na kung may mag-aalok ng malaking return of investment (ROI) pero wala namang nakikitang produkto.
Binigyang diin ni Curan na dapat suriing mabuti ang papasukang investment.
Dapat na tiyakin daw muna ng isang investor na naka-register sa Security and Exchange Commission (SEC) ang investment na paglalaanan nito ng pera.
Nakakalungot lang umanong isipin na dahil sa kahirapan, nadadala na ngayon ang karamihan sa mga “easy money” offers.
Giit pa ni Curan na kailangang imbestigahan kung saan pupunta ang mga pinaghirapang pera nakolekta ng mga investment scheme.