Inihayag ni Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian na tutugunan ng isang panukalang batas sa pagtataguyod ng mental health ng mga mag-aaral ang kasalukuyang kakulangan ng Pilipinas ng mga guidance counselor.
Ibinahagi ni Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Executive Director Dr. Karol Mark Yee sa isang press conference ang kakulangan ng mga kwalipikadong guidance counselors sa Department of Education (DepEd).
Bagama’t may humigit-kumulang 5,000 na plantilla position para sa mga guidance counselors sa kagawaran, umaabot lamang sa mga 300 ang natatapos sa kinakailangang master’s degree sa guidance and counseling para sa posisyon.
Dahil ito sa kakulangan ng mga paaralang may master’s programs sa guidance and counseling.
Kung magpapatuloy ang ganitong sitwasyon, aabot sa 14 taon bago mapunan ang kasalukuyang mga bakanteng posisyon, ayon sa executive director ng EDCOM II.
Maliban sa pagpapatatag sa school-based mental health program, isinusulong din ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) na akda ni Gatchalian ang pag-hire sa mga kwalipikadong kawani sa paghahatid ng mga serbisyong pang-mental health.
Nililikha din ng naturang panukala ang mga bagong plantilla position na School Counselor Associate I hanggang V, School Counselor I hanggang IV, at Schools Division Counselor.
Sa paglikha ng mas marami pang mga posisyon, binigyang diin ni Gatchalian na maibibigay na sa mga mag-aaral ang mga kinakailangan nilang serbisyo sa mental health.