Pinaiimbestigahan ni Senador Raffy Tulfo ang mga kakulangan sa mga operational procedures ng mga pantalan at paliparan ng bansa kung saan nakatatakas ang ilang indibidwal at pungante na hindi nakadadaan sa immigration authorities.
Partikular na inatasan ang Committee on Public Services na kanyang pinamumunuan.
Sa inihaing Senate Resolution No. 1171 ni Tulfo, nakasaad na maraming indibidwal at pugante ang gumagamit ng chartered flights at backdoor exits para makalabas ng Pilipinas.
Ayon kay Tulfo, ang ganitong klaseng transportasyon ay karaniwang ginagamit para sa smuggling, trafficking, at takasan ang kanilang kaso.
Posibleng paraan din ito aniya dahil sa kasalukuyan ay walang mga processing centers o general aviation terminals sa mga paliparan sa bansa na mapangangasiwaan ng Bureau of Customs at Bureau of Immigration kabilang ang chartered flights.
Giit ni Tulfo, banta sa pambansang seguridad ang kakulangan ng general aviation terminals dahil hindi sumasailalim sa regular na proseso ng screening, kabilang ang mga pagsusuri sa X-ray ang mga pasaherong gumagamit ng chartered at private flights.
Ayon sa Inter-Agency Council Against Trafficking (lACAT) ng Department of Justice (DOJ), ang karaniwang backdoor exit ay sa Zamboanga, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Palawan at Zambales o kilala bilang “ZamBaSulTa” na pinaniniwalaang ginagamit ng mga human traffickers.
Kaya naman kinakailangan aniyang tugunan at matukoy ang mga puwang sa mga paliparan at pantalan ng bansa upang matiyak na maiiwasan ang mga katulad na inisidente sa hinaharap.
Inatasan nito ang BI, Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Philippine Coast Guard (PCG), at Maritime Industry Authority (MARINA) na tukuyin ang mga butas sa sistema ng bansa at agaran aniyang tugunan ang mga puwang na ito.