-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Humihingi ngayon ng agarang tulong ang mga residente ng North Cotabato lalo na ang mga bayan na pinakatinamaan ng sunod-sunod na malalakas na lindol at ang naganap lamang na magnitude 6.5 na pagyanig.

Sa natanggap na ulat ng Bombo Radyo Koronadal mula kay Bombo Correspondent Cherry Daet sa probinsya ng North Cotabato, nakakaranas na sila ngayon ng kakulangan sa suplay ng kuryente lalo na ang pagkain at malinis na tubig.

Napag-alaman na dahil sa pagyanig ng panibagong lindol kanina ay napilitang magsara ang mga establisemento lalo na ang mga pangunahing pamilihan ng pagkain partikular na sa bayan ng Makilala at Tulunan, North Cotabato habang sa Kidapawan City naman ay nagkaroon ng brownout.

Kaugnay nito ang bayan ng Makilala ang nakapagtala umano ng maraming sugatan sa pagyanig nitong Huwebes ng umaga na inaalam pa kung ilan ang bilang na sinasabing karamihan sa mga nasugatan ay mga matatanda at mga kabataan sa Brgy. Buenavida at Batasan, Makilala habang namatay naman ang barangay kapitan ng Brgy. Batasan na si Kapitan Cesar Bangot.

Napag-alaman na may nag-collapse na barangay gym, mga bahay at ilang establisemento na dahilan ng pagkasugat ng mga residente.