Nagbabala ang National Water Resources Board (NWRB) sa posibleng kakulangan ng suplay ng tubig sa bansa bago ang inaasahang El Niño phenomenon.
Sinabi ng ahensiya na ang pagbawas ng pag-ulan dulot ng El Niño ay maaaring magresulta sa pagbaba ng antas ng tubig sa dam at pagbaba ng suplay ng irigasyon.
Subalit paglilinaw ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr. na mayroong sapat na supply ng tubig subalit dahil sa may nagbabadyang El Nino posibleng makaapekto ito sa water supply partikular na sa sakahan.
Kaugnay nito, inihayag ng DA na naghahanda ito para sa mga posibleng epekto ng El Niño at ang National Irrigation Authority ay maaaring makatulong sa pagsugpo sa epekto nito sa pamamagitan ng epektibong pamamahala ng tubig.
Base sa datos ng Department of Agriculture (DA), lumalabas na noong nakalipas na El Niño mula 2018 hanggang 2019 ang kabuuang pinsala sa agrikultura ay umabot sa hindi bababa sa P8 bilyon kung saan humigit-kumulang 250,000 magsasaka ang apektado. Ang kabuuang pinsala mula sa tagtuyot mula naman noong 2012 hanggang 2021 ay nagkakahalaga din ng mahigit P34 bilyon.