![image 320](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/01/image-320.png)
Nagbabala din ang opisyal mula sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS RO) sa posibilidad na maranasang kakulangan sa suplay ng tubig ngayong taon sa Metro Manila kabilang ang Cavite at Rizal sakaling magtuluy-tuloy ang paglobo ng populasyon sa rehiyon kasabay ng pagtaas ng demand sa tubig.
Ipinaliwanag ni MWSS RO officer-in-charge (OIC) Lee Robert M. Britanico na patuloy na tumataas ang populasyon sa Metro Manila simula ng magbukas ang ekonomiya at mas maraming mga tao na ang nagbalik sa rehiyon mula sa mga probinsiya.
Sa ngayon mayroon pang suplay ng tubig subalit kapag walang bagong pagkukunan ng tubig o pagtaas sa suplay ngayong taon posibleng magkaroon ng problema.
Siniguro naman ng opisyal sa publiko na mayroong sapat na suplay ngayong taon habang papalapit ang summer season.
Hinihikayat naman ang publiko na magtipid sa pagkonsumo ng tubig.
Nakikipag-ugnayan din ito sa water concessionaires na Maynilad at Manila Water para matiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng tubig sa rehiyon.