-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Pinayuhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga Pilipino sa Myanmar na mag-ingat dahil sa idineklarang State of Emergency matapos ang nangyaring kudeta.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na walang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Myanmar ngunit may mga Filipino Community doon at sila ang tumitingin sa kalagayan ng mga Pilipino.

Sila rin ang naging daan para makontak nila ang mga Pilipino sa naturang bansa kaya pinayuhan sila na mag-ingat at huwag lumabas sa kanilang tirahan habang inoobserbahan ang mga pangyayari.

Delikado aniya ang nangyayari ngayon sa Myanmar dahil mismong militar ang nagsagawa ng kudeta at walang nakakaalam kung ano ang mga susunod nilang gawin.

Sinabi ng kalihim na tututukan nila ang kalagayan ng mahigit 2,000 na Pinoy sa Myanmar na karamihan ay mga guro.