-- Advertisements --
DOLE BUILDING WORKERS
Department of Labor & Employment (DOLE) Main Office in Intramuros, Manila

CAUAYAN CITY – Umabot na sa kalahating milyon na overseas Filipino workers (OFW) ang nag-aplay sa cash assistance na ayuda ng Department of Labor & Employment (DOLE) sa mga apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Labor Sec. Silvestre Bello III, sinabi niya na ang kalahating milyon na ito ay patunay lamang na maraming OFWs ang apektado ng COVID-19.

Gayunman sa naturang bilang na nag-aplay nasa 273,000 pa lamang ang kuwalipikado.

Habang nasa 140,000 pa lamang ang nabigyan ng tulong na may P1.4 bilyon na pondo.

Ayon kay Sec. Bello, noong una ay P1.5 bilyon ang ibinigay na pondo ng pamahalaan para sa kanila subalit dinagdagan ng isang bilyong piso.

Maliban naman sa pinansyal na tulong ay nagbibigay din sila ng food and medical assistance.

Ayon pa kay kalihim Bello, asahan pa ang 44,000 OFWs na uuwi sa bansa matapos na mawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng mga negosyo sa iba’t ibang panig ng mundo.