-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nakakulong na ngayon ang dalawang katao matapos mahuling may 500 piraso ng tag-iisang libong pisong pekeng pera sa bayan ng Nasipit , Agusan Del Norte.

Nakilala ang mga suspek na sina Robert Paglinawan Daplas, 40-anyos, fish vendor, may live-in partner na taga Poblacion, Bacuag, Surigao del Norte at Milagros Eresani Aday, 41-anyos, may live-in partner na residente ng San Isidro, Gigaquit, Surigao del Norte.

Ayon kay Police Major Emmerson Alipit, tagapagsalita ng Agusan Del Norte Police Provincial Office, daling nagsumbong sa Nasipit Municipal Police Station ang biktima nang malamang peke ang natanggap na tatlong libong piso na bayad sa binili nilang lechon mula sa kanyang tindahan sa labas ng sabungan sa may Brgy.Triangulo, sa bayan ng Nasipit.

Kaagad na pinaghahanap nito ang mga suspek ngunit naka-alis na sakay sa motorsiklo kung kaya’t nagpasaklolo na siya sa pulisya na dali namang nag-checkpoint sa naturang lugar kungsaan matagumpay na nakuha ang mga suspek.

Dinala ito sa police station at sa ginawang imbestigasyon, inako ng dalawa na sila ang gumawa sa kremin at isinuko ang anim na bundles na may lamang kalahating milyong halaga ng mga pekeng pera.